Sa Bawat Baha, Kabuhayan ang Nalulunod

Sa bawat malakas na ulan na nagdudulot ng baha, hindi lamang mga kalsada at bahay ang naaapektuhan. Kasama rin nalulubog ang mga palayan, pananim, palaisdaan, kagamitan sa pangingisda, at kabuhayan ng maraming magsasaka at mangingisda.

Batay sa pinakahuling pagtataya ng Department of Agriculture (DA) noong ika-9 ng Agosto 2026 umabot sa ₱135.3 milyon ang pinsala sa agrikultura dahil sa epekto ng Tropical Cyclones Luis, Maymay at walang tigil na hagupit ng habagat. Nakaapekto ito sa 6,010 magsasaka, 4,516 ektarya ng lupang sakahan, at tinatayang 4,465 metriko tonelada ng produksiyon sa limang rehiyon, kabilang ang Central Luzon o gitnang rehiyon na ang pangunahing produksyon ng agrikultura.

Mahalaga ang tubig sa pagtatanim, ngunit maaari itong maging mapaminsala kapag sobra at matagal na nananatili sa lupa. Kapag lubog sa baha ang palayan, maaaring mawalan ng sapat na hangin ang mga ugat ng halaman. Dahil dito, nanghihina o namamatay ang mga pananim, lalo na kung malapit na itong anihin.

Maaari din maanod ng malakas na agos ang lupa, binhi, pataba, at mga bagong tanim. Bukod dito, maaaring mapuno ng putik at basura ang mga kanal at irrigation system. Kapag nangyari ito, mas nahihirapan ang mga magsasaka na maibalik agad ang kanilang mga taniman pagkatapos ng baha.

Kabilang sa mga naapektuhan ng malakas na ulan ang palay, mais, high-value crops, at livestock. Dahil dito, hindi lamang produksyon ang nababawasan kundi pati ang kita ng mga magsasaka at ang suplay ng pagkain sa mga pamilihan.

Sa Pampanga, mas nakita ang laki ng epekto ng pagbaha sa sektor ng agrikultura at fisheries. Ayon sa pinakahuling ulat ng Pampanga Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council PDRRMC (as of August 31, 2026) umabot sa mahigit ₱1.25 bilyon ang kabuuang agricultural damage sa lalawigan. Apektado nito ang humigit-kumulang 40,182 magsasaka at mangingisda.

Malaki rin ang naging pinsala sa fisheries, na umabot sa ₱786.9 milyon, na bahagi ng kabuuang ₱1.25 bilyong pinsala. Kabilang sa naapektuhan ang mga palaisdaan, dike, gate, bangka, at iba pang kagamitan sa pangingisda.

Kapag umapaw ang ilog o palaisdaan, maaaring makatakas ang mga isdang inaalagaan. Maaari ring maging marumi ang tubig dahil sa putik, basura, kemikal, at iba pang dumi na dala ng baha. Dahil dito, maaaring mamatay ang ilang isda at madagdagan ang pagkalugi ng mga mangingisda.

Sa isang naunang ulat noong Agosto 10, 2026, umabot sa ₱34.24 milyon ang pinsala sa crops at fisheries sa Pampanga. Sa halagang ito, ₱31.262 milyon ang mula sa fisheries, habang 424 farmers and fisherfolk ang naapektuhan. Ipinapakita nito na patuloy na nadaragdagan ang naitatalang pinsala habang nagpapatuloy ang assessment sa mga binahang lugar.

Hindi lamang kita ng mga mangingisda ang nababawasan. Kapag bumaba ang produksyon ng isda at pananim, maaaring tumaas ang presyo ng pagkain sa pamilihan. Maaari ring maantala ang suplay ng pagkain sa mga komunidad na umaasa sa lokal na agrikultura.

Bilang solusyon, upang mabawasan ang pinsala, mahalagang gamitin ang agham at teknolohiya sa paghahanda bago dumating ang malakas na ulan. Kabilang dito ang flood hazard maps partikular na sa mga area na vulnerable o mabilis matamaan ng pagbaha. Makakatulong din ang mga early warning systems upang mas maaga at maagap na mabigyan bababala ang mga mangingisda at magsasaka hinggil sa delubyo o pinsala maaaring matamo. Lubos din makakatulong ang weather monitoring, at agri-weather forecasts nang magkaroon ng wastong kamalayan at kaalaman ang mga magsasaka.

Sa pamamagitan ng mga impormasyong ito, maaaring maagang anihin ng mga magsasaka ang kanilang pananim, ilipat ang mga hayop, at mailagay sa ligtas na lugar ang mga kagamitan. Maaari ding makatulong ang climate-resilient seeds, mas maayos na drainage system, elevated fishpond structures, water-level sensors, at mobile alerts.

Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), nagbibigay ang ahensiya ng agri-weather information na maaaring makatulong sa pagpaplano ng mga gawaing pangsakahan. Sa tulong ng weather forecasts, mas makakapaghanda ang mga magsasaka bago lumakas ang ulan o tumaas ang tubig.

Gayunpaman, hindi sapat ang teknolohiya kung hindi ito madaling maaabot ng mga komunidad. Kailangan ding magkaroon nang maayos na koordinasyon ang mga lokal na pamahalaan, mga ahensiya ng gobyerno, at mga magsasaka at mangingisda. Mahalaga ang mabilis na pagbibigay ng babala, ayuda, binhi, fingerlings, kagamitan, at pautang upang makapagsimula muli ang mga apektadong pamilya.

Ang baha ay hindi lamang usapin ng pagkasira ng pananim at kagamitan. Para sa maraming magsasaka at mangingisda, ang bawat araw na hindi sila makapagtrabaho ay nangangahulugan ng pagkawala ng kita at pagkain para sa kanilang pamilya.

Kaya habang patuloy na nagbabago ang panahon at lumalakas ang epekto ng matinding pag-ulan, kailangang pag-isipan ang mas matibay at makabagong paraan ng pagsasaka at pangingisda. Sa tulong ng tamang datos, teknolohiya, at mabilis na suporta, maaaring mabawasan ang pinsala at matulungan ang mga komunidad na muling makabangon.

Sa bawat baha, hindi lamang mga pananim ang dapat iligtas. Kasama rin dito ang kabuhayan, pagkain, at kinabukasan ng mga taong umaasa sa agrikultura at fisheries.